1 - At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.
2 - Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka't kayo'y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya;
3 - Sapagka't kayo'y mga sa laman pa: sapagka't samantalang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo'y mga sa laman, at kayo'y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao?
4 - Sapagka't kung sinasabi ng isa, Ako'y kay Pablo; at ng iba, Ako'y kay Apolos; hindi baga kayo'y mga tao?
5 - Ano nga si Apolos? at Ano si Pablo? Mga ministro na sa pamamagitan nila ay nagsisampalataya kayo; at sa bawa't isa ayon sa ipinagkaloob ng Panginoon sa kaniya.
6 - Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig; nguni't ang Dios ang siyang nagpalago.
7 - Ano pa't walang anoman ang nagtatanim, ni ang nagdidilig; kundi ang Dios na nagpapalago.
8 - Ngayon ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa: nguni't ang bawa't isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.
9 - Sapagka't tayo ay mga kamanggagawa ng Dios: kayo ang bukid ng Dios, ang gusali ng Dios.
10 - Ayon sa biyaya ng Dios na ibinigay sa akin, na tulad sa matalinong tagapagtayo ay inilagay ko ang pinagsasaligan; at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Nguni't ingatan ng bawa't tao kung paano ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.
11 - Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.
12 - Datapuwa't kung ang sinoma'y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong dayami;
13 - Ang gawa ng bawa't isa ay mahahayag: sapagka't ang araw ang magsasaysay, sapagka't sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa't isa kung ano yaon.
14 - Kung ang gawa ng sinoman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya'y tatanggap ng kagantihan.
15 - Kung ang gawa ng sinoman ay masunog, ay malulugi siya: nguni't siya sa kaniyang sarili ay maliligtas; gayon ma'y tulad sa pamamagitan ng apoy.
16 - Hindi baga ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?
17 - Kung gibain ng sinoman ang templo ng Dios, siya'y igigiba ng Dios; sapagka't ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo.
18 - Sinoma'y huwag magdaya sa kaniyang sarili. Kung ang sinoman sa inyo ay nagiisip na siya'y marunong sa kapanahunang ito, ay magpakamangmang siya, upang siya ang maging marunong.
19 - Sapagka't ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan:
20 - At muli, Nalalaman ng Panginoon ang pangangatuwiran ng marurunong, na pawang walang kabuluhan.
21 - Kaya't huwag ipagmamapuri ninoman sa mga tao, Sapagka't ang lahat ng mga bagay ay sa inyo.
22 - Kahit si Pablo, kahit si Apolos, kahit si Cefas, kahit ang sanglibutan, kahit ang buhay, kahit ang kamatayan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating; lahat ay sa inyo:
23 - At kayo'y kay Cristo; at si Cristo ay sa Dios.